Friday, January 9, 2009

idolatry or true faith

Boom! Piyesta nanaman ng Itim na Nazareno kanina. Gaya ng inaasahan, milyon-milyon nanaman na mga deboto ang nagpunta para makipag-balyahan, makipag-tulakan at makipag-langhapan ng mga pawis para makalapit lang sa santo.

Bakit nga ba ang tiyaga ng mga Pilipino sa mga ganitong okasyon. Oo, may mga pagkakataon sa buhay natin na kailangan natin ipakita ang pananampalataya natin sa Diyos. Sabi nga, 'pag may mga pagkakataon sa buhay ng isang tao na hindi niya na alam kung saan pa siya pupunta, ang pinaka-magandang gawin ay magdasal dahil anjan sa Papa Jesus para tumupad sa mga bagay na kailangan mo. Pero, tamang paraan ba ng pagpapakita ng paniniwala sa Diyos ang mga ganitong gawain? Tingin ko, hindi.

Usapang banal tayo ngayon. Ehem! Hindi ako palabasa ng Bible, pero siguro, hindi mo naman kailangan tandaan lahat ng sinasabi ni Pedro sa libro niya para malaman kung ano ang kaibahan ng tama sa mali at ano ang mabuti para sa sarili mo.

Noong bata ako, biniro ko si Mama na magpapa-tattoo ako pag laki ko. Bukod sa hindi na ko lumaki, paulit-ulit akong piningot ng nanay ko at sinabi na ang katawan natin ay templo na banal na espirito. Bukod dito, paulit-ulit niya ako pinapa-alahanan na sinabi ni Papa Jesus at ni Papa Lord na 'mag-ingat ka at pag-iingatan kita'.

Ang Mama ko ay medyo eksperto sa pagbabasa ng Bibliya. Kaya literal na bugbog ako sa pangaral niya tungkol sa laman nito. Kaya nga sa dami ng sinabi sa'kin ng nanay ko, Genesis 1:1 lang ang na-memorize ko sa sobrang dami ng mga 'to.

Mabalik tayo. Game.

Sinasabi ng mga pari, pastor at pati na rin ni Ely Soriano na si Papa Jesus ay namatay at ipinako sa krus para pag-bayaran ang ating mga kasalanan sa Diyos, o kilala natin sa tawag na si Papa Lord. Dahil dito, sinasabi nila na ang mga kasalanan natin ay nabura at muling nalinis ang ating mga banal na espirito sa pagpain ni Papa Jesus sa sarili niya. Salamat Papa Jesus!

Ginawa ito ni Kristo para ipakita sa lahat ng anak ng Diyos ang pagmamahal niya. Tama? Oo, tama! Pero sa lahat ng pangaral sa'kin ng nanay ko, sa lahat ng salitang binitawan ng mga pastor, wala akong narinig na kahit isang paalala na ang mga tao ay dapat mag-sakripisyo para hindi man mapantayan ang sakripisyo ng Diyos, pero para mapakita rin ang pananampalataya dito.

Masamang sabihin na ito ay isang malaking kalokohan. Dahil lahat ng tao ay subjective. Ibig sabihin, hindi naman lahat ng tao mahilig sa Adobo at Ketchup. Ang sa'kin lang, ginawa ito ng Diyos para mapakita sa'tin ang pagmamahal niya. Pero, hindi naman niya sinabi na gawin natin 'to para mapakita na mahal din natin siya.

Kanya-kanyang paraan ang mga tao ng pagpapakita ng kanilang pananampalataya. Meron lumuluhod, may lumalakad ng paluhod, may lumiliyad, mayroon ding lumalakad ng paliyad. Iba-iba, kanya-kanya. Sa pagkakataong ito, maganda isipin na ang selebrasyon ng pista ay tunay na ebidensya sa pananampalataya ng isang tao. Pero, subalit at datapwat, tama ba talaga na gawin 'to?

Masakit isipin, pero may ugali tayong mga Pilipino na umaasa na lamang sa dasal at hindi na kumikilos. Dahil siguro ito sa pananampalataya na kaya tayo saluhin ng Diyos kahit lugmak na tayo sa putik. Tama. Anjan sila Papa Jesus para bantayan tayo sa mga kanya-kanya natin buhay, pero sabi nga sa kanta, "asa Diyos ang awa, asa tao ang gawa." Bakit mo isasali ang sarili mo sa isang bagay na hindi ka sigurado? Hindi sa dahil hindi ka sigurado na matutupad ang pangarap mo, kundi paano kung hindi ka na makauwi sa bahay mo dala ng aksidente na nagaantay sa pagsasagawa ng mga tradisyon na 'to.

Ano sa tingin mo ang mas mabigat na problema?

Ouch! Naniniwala ako na anjan si Papa Jesus. Naniniwala ako sa kanyang 'existence', pero para sa akin, may ibang paraan para mapakita mo ang pananampalataya mo sa Kanya. Hindi para makipag-patayan sa ibang taong umaasa lang sa kapangyarihan niya.

Isa pa, ang ating Diyos ay literal na seloso. Kaya nga 'di ba nilagay niya sa unang-una sa Ten Commandments na hindi niya gustong sumamba ka ng ibang Diyos bukod sa kanya? Sa ginagawa ba ng mga kaibigan natin na deboto, tingin mo ba Diyos pa rin ang sinasamba niya o ang santo na ng nazareno na hindi ko alam kung saan gawa?

kasalanan na ang sumamba sa isang bagay ng sobra. Kaya nga lahat ng sobra ay nakakamatay 'di ba?

Kilos tayo. Bakit? Hindi natin alam na baka si Lord at Papa Jesus ay umiiling sa langit habang nakikita ang mga tao sa pagdaraos ng okasyon na 'to. Dapat siguro ay huwag tayo makuntento sa himala na dala-dala niya sa belt bag niya. Kumilos tayo. Uso stroke ngayon.

Ano gusto mo? Ikaw ang nagdadasal? o ikaw na ang pinagdadasal? Isip mga kababayan.

End

No comments:

Post a Comment